75

Feb 8, 2020 @ 20:22
By

Tarlac gov’t pumayag nang mag-quarantine ng Pinoy galing China

Ilang oras matapos balaan ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG), pumayag na nitong Sabado ang pamahalaang lokal ng Capas, Tarlac sa pag-quarantine ng mga darating na Pinoy workers sa bansa mula Wuhan, China

Subalit nilinaw ni Capas acting Mayor Butch Rodriguez, ang kanilang pagpayag sa akomodasyon ay sa unang batch lamang ng mga Pinoy worker.

Kasabay nito, humiling ang Capas officials ng mga face mask at alcohol upang ipamahagi sa mga naninirahan malapit sa New Clark City dahil open-air umano ang pasilidad sa naturang lugar.

Una rito ay binalaan ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III ang mga lokal na pamahalaan na haharang o tatanggihan ang mga darating na mga Pinoy galing China na isasailalim sa quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Capas.

“Ang sinumang mga lokal na opisyales na haharang sa kautusan ng ating Pangulong (Rodrigo) Duterte ay papatawan ng sanctions at may kaakibat po ‘yan na administrative, baka may criminal side pa ‘yan,” batay sa isang panayam kay Densing.

Ayon sa kalihim, walang dapat na ikatakot ang mga residente sa Capas kung gagamiting quarantine zone ng mga Pinoy na galing Hubei, China dahil ang mga dadalhin umano sa area ay wala namang mga sakit.

“Wala silang coronavirus. Oobserbahan lang sila for 14 days. Sana po maintindihan nila ang sitwasyon,” giit ni Densing at umapela sa publiko na magkaisa at magtulungan na masugpo ang nararanasan ngayong health crisis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?