19

Jan 12, 2022 @ 14:17
By

Targeted at risk-based dapat! Mass testing hindi kailangan – WHO

Hindi nakikita ng World Health Organization (WHO) ang pagpapatupad ng mass testing sa bansa sa harap ng mataas na bilang ng mga nagkakasakit at tinatamaan ng COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na mas mainam na tumutok ang gobyerno sa targeted at risk-based testing dahil sa karakter ng Omicron variant na mas mabilis makahawa ng tatlo hanggang apat na beses kumpara sa Delta variant.

Kapag aniya may isang nagpositibo sa isang pamilya, aasahan na nahawa na rin ang mga kasamahan .

“Targeted testing is a better use of the resources on RT-PCR test and the hypothesis that if you have a confirmed case in a household and other people are asymptomatic, there is no need to confirm testing, just need to assume that it is Omicron,” ani Dr. Abeyasinghe.

Dahil hindi naman aniya malala ang sintomas ng Omicron, ang kailangan lang gawin ay mag-isolate o mag-quarantine ng ilang araw.

Maaari lamang magpasuri kung ang nagkaroon ng sintomas ay senior citizens na mayroong malubhang sakit.

“Because it’s much milder, it would be prudent to just isolate or quarantine as the case maybe for the required number of days, unless you are in the vulnerable groups or elderly,” dagdag ni Dr. Absyasinghe.

Matatandaang dahil sa biglang pagtaas ng mga nagkakasakit ng COVID-19 nitong Enero, iminungkahi ng ilang mambabatas na magpatupad ang gobyerno ng mass testing.

Pero malamig ang Malacañang sa mungkahi dahil malaki ang gagastusin kung gagawin ang pagsusuri araw-araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?