99
Tapos ng banatan: SMB masusubok vs TNT
Nov 19, 2019 @ 23:20
By

Tapos ng banatan: SMB masusubok vs TNT

Pinakamalaking epekto ng hindi pa rin kinukumpirmang sapakan ng mga player ang paghahabol ng San Miguel Beer sa grand slam ng 2019 PBA season.

Sa sinasabing suntukan sa praktis, may mga ‘di nagkakasundo sa loob ng team.

Sabihin mang naayos ng team management at coaching staff ang gulo, siguradong may tensiyon pa rin sa pagitan nina Kelly Nabong, Ronald Tubid at Arwind Santos, isama na si Dez Wells kung magdedesisyon ang team na ibalik pa rin ang import sa kabuuan pa ng Governors Cup.

Inari na ng Beermen ang korona ng Philippine at Commissioner’s Cup, ang season-ending tournament title na lang ang kulang para makumpleto ang slam.

Sinasabing nagsimula ang pagpapang-abot nang bigyan ni Santos ng hard pick si Wells na bumagsak sa sahig sa ensayo sa Upper Deck nitong Linggo.

Nag-abot sina Wells at Santos, sinapak raw ni Tubid si Wells. Sumali si Nabong, binigwasan naman umano si Tubid.

Pasok na sa eight-tem quarterfinals ang Beer sa 6-4, tatapusin ang elims laban sa third-running 7-3 TNT sa second game mamaya sa Ynares Center sa Antipolo.

Nasa No. 5 sa kasalukuyan ang SMB, kapag tinalo ang KaTropa ay posibleng sila na rin ang magtatapat sa quarters dahil aangat sa No. 3 ang Ginebra (7-4) at papalit sa No. 5 ang TNT.

Twice-to-beat ang Nos. 1-4 laban sa 5-8 sa quarters.

Kapag nanalo ang TNT, SMB at Ginebra (7-4) ang magtatapat sa next round.

Walang imik ang kampo ng San Miguel kung may kakastiguhin sa players na sangkot sa sinasabing gulo.

Lunes ay closed door na ang praktis ng Beermen sa Acropolis.

Krusyal ang samahan ng team para paypayan ang grand slam bid.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?