28

May 12, 2020 @ 11:30
By

Tapos na sa lockdown! Cavite ilalagay na sa GCQ

Pagsapit ng Mayo 16, sasailalim na sa general community quarantine ang buong probinsya ng Cavite.

‘Yan ang anunsyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang Facebook post na base sa impormasyong nakalap mula sa Palasyo.

“Nilahad na kahapon ng Malacañang na ang lalawigan ng Cavite ay isalalagay na sa GCQ umpisa ng May 16,” saad ni Remulla.

Sa ilalim ng GCQ, papayagan na sa Cavite ang pagbubukas ng mga mall, ngunit susundin ang protocol na ipagbabawal ang libreng WiFi, gayundin ang paglimita sa temperatura ng aircon.

Bukod pa dito’y mahigpit ding ipapatupad ang pagsusuot ng mga face mask, at tanging mga manggagawa lang ang papayagang lumabas.

“Ang lalawigan ay nagpanukala ng lisensya para sa pagbenta ng alchoholic products. Isang buwan pa bago maging perpekto ang batas kaya ang liquor ban ay still in effect. Ngunit, pero hindi pangako, ay mag-uusap ang mga mayor mamaya para sa panandalian patakaran para dito habang hindi pa umeepekto ang batas,” saad ni Remulla.

Magkakaroon pa rin ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw, ang papayagan lang na lumampas sa oras ay ang mga nagtatrabaho.

Papayagan na rin ang pagbubukas ng mga restaurant para sa take-out, ngunit ang mga bar ay mananatili pa ring sarado.

Wala pa namang anunsyo si Remulla ukol sa public transportation, at inabisuhan ang publiko na maghintay muna ng sasabihin ng gobyerno ukol dito.

“Huwag muna magalak. Bagamat gumanda at umangat ang kakayahan natin, ang 2nd wave ng Covid ay siguradong darating. Ipatupad pa rin ang social distancing at good hygiene practices,” giit ni Remulla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?