44

May 2, 2020 @ 16:32
By

Taniman ng marijuana ng Abu Sayyaf, nadiskubre

Natagpuan ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team 7 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang marijuana plantation ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sitio Mangal-Mangal, Barangay Masjid Punjungan sa Kalingalang Caluang, Sulu.

Ayon kay Lt. Col. Oliver Baylon, Marine Battalion Landing Team 7 commander, nadiskubre ang marijuana plantation noong Biyernes sa ikinasang operasyon laban sa isang drug personality na nakilala lamang sa alyas na Sahabi.

Dito nabuking ang anim na plantation sites ng fully grown at ang dalawang plantation sites ng bagong tanim na marijuana.

May lawak na 2,100 square meters ang plantasyon na tinatayang nasa higit 22,000 fully-grown marijuana at nasa P5.1 milyon ang halaga, ayon sa PDEA.

Nabatid na si Sahabi ay tauhan ng ASG at ang marijuana plantation ang pinagkukunan ng pondo ng mga bandido.

Winasak ng pinagsanib na puwersa ng marines at PDEA, kasama ang ilang tauhan ng Barangay Masjid Punjungan ang nasabing plantasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?