75

By

Tangkang pagnanakaw, naudlot sa Marikina

Naudlot ang planong pagnanakaw ng isang miyembro ng akyat bahay matapos i-report sa Marikina Police ang isang kahina-hinalang kilos ng 41-anyos na suspek na nakitang umaaligid sa labas ng isang bahay sa Barangay Parang, Marikina City.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Marikina acting chief of police, PCol. Redrico Maranan, nakatanggap ng tawag ang tanggapan ng Police Community Precinct 5 kaugnay sa isang kahina-hinalang kilos ng suspek na si Alex De Guzman, 41-anyos, residente ng San Rafael, Rodriguez, Rizal, na nakitang umaaligid sa isang bahay.

Agad na nagresponde ang pulisya Biyernes ng gabi sa kahabaan ng Tandang Sora St., Barangay Parang, at doon naaktuhan ang suspek na iniilawan ang bahay at nagmamasid kung may tao o wala.

Isang concerned citizen umano ang agad na nagsumbong sa pulisya para ipagbigay-alam ang pag-istambay ng isang hindi nila kilalang lalaki sa labas ng bahay na kung saan nasa bakasyon ang may-ari ng bahay.

Sinita ang suspek na agad na kumaripas ng takbo at nahuli naman nang magsagawa ng trap ang pulisya.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang bladed knife, improvised plastic card, flashlight, tatlong screw driver at adjustable wrench.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code at Resistance and Disobedience Upon an Agent of Person in Authority.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?