49

Jun 11, 2021 @ 17:32
By

Tanggalan ng empleyado sa gobyerno nagbabadya – Bayan Muna

Maaari umanong mauwi sa tanggalan ng mga empleyado ang pagbabago sa hatian ng national government at mga local government unit (LGU) sa nakokolektang buwis.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, simula sa susunod na taon ay ipatutupad na ang desisyon ng Korte Suprema na tinaguriang Mandanas ruling kung saan nakasaad na dapat bigyan ng national government ng hati ang mga LGU hindi lamang sa nakokolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kundi maging sa nakokolekta sa Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensya.

Bilang pagsunod sa desisyon na ipinalabas ng Malacañang ang Executive Order 138 kung saan ibibigay ng national government ang ilang trabaho nito sa mga LGU.

Dahil mas konti na ang budget ng mga national government agencies isa umano sa maaaring gawin ng mga ito ay magbawas ng empleyado.

“Dahil nga mababawasan yung budget ng national government posible na ang una nilang tanggalin ay yung mga empleyadong walang security of tenure,” paliwanag ni Gaite.

Samantala, muli namang nanawagan si ACT Teachers Rep. France Castro sa Department of Education (DepEd) na suspendihin ang utos nito na hanggang Hulyo 10 na lamang ang trabaho ng mga provisional teachers sa ilalim ng K to 12 program.

Ang mga provisional teachers ay mga guro na kinuha ng DepEd kahit na hindi pa pumapasa sa licensure examination ang mga ito. Isa sa mga kondisyon ng kanilang pagpasok ay pagkuha at pagpasa sa licensure examination sa loob limang taon.

“Idadagdag pa ba natin sa 4.4 million na walang trabaho ngayong quarter na ito?” tanong ni Castro.

Ipinunto ni Castro na tatlong beses na kinansela ang licensure examination dahil sa pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?