247

Oct 3, 2019 @ 21:17

‘Tanga talaga’! Manunulat binatikos ang panukala ng NYC Chair

“Teens will have sex. Period. Protect them by teaching them to protect themselves.”

Kinontra ng kolumnista at Palanca awardee Shakira Sison ang mungkahi ni National Youth Commission Chairperson Ryan Enriquez na paghiwalayin ang class section ng mga lalaki at babaeng mag-aaral mula Grade 7 hanggang 12 upang mabawasan umano ang mga kaso ng teenage pregnancy.

Oktubre 2, 2019 nang inihayag ni Enriquez na kapag hiniwalay ang mga mag-aaral base sa kasarian, mababawasan ang mga magdyo-dyowa at mabubuntis.

“Maraming mga grade school pa lang, mag-girlfriend at boyfriend sila dahil magkaklase sila. At kung meron silang activity na magsasama sila sa isang bahay, doon nangyayari, pwedeng maging teenage mother agad-agad,” ani Enriquez.

“Kasi kung curious ka at may kaklase kang lalaki, andoon ang temptation,” dagdag pa nito.

Doon lang din daw maayos na mapag-uusapan ang sex education: ‘pag hiwalay ang class section ng lalaki sa babaeng estudyante.

Hindi sang-ayon dito si Sison.


“Tanga talaga. Kung sa exclusive girls school nga may nabubuntis e,” tweet nito ngayong Huwebes, bilang pagsang-ayon sa pagkadismaya ni Roots of Health Director Ami Evangelista Swanepoel.

Tweet ni Evangelista, Reproductive Health Law ang epektibong solusyon sa pagkontrol sa dami ng nabubuntis na kabataan, at hindi ang paghihiwalay ng class section ng magkaibang kasarian.

Ayon naman kay Sison, ang tamang solusyon sa hindi mapipigilang kagustuhan ng mga teenager na makipag-sex ay totoong sex education.

Sa hiwalay na Twitter thread, tinawag niya ring “tanga” ang mga magulang na sumasang-ayon sa suhestiyon ni Enriquez.

“Early sex education is essential. If you’re a parent, buy condoms and leave them where your teens know they’re not monitored,” bilin ni Sison.

“You’re not “condoning” sex. Sex WILL happen. Your job is to guide them. If you love them you will make sure they’re protected, not ignorant and impulsive,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?