32

Jun 14, 2020 @ 21:38

Tandem na scammer kalaboso

Swak sa selda ang dalawang nagpanggap na ahente ng sasakayan makaraang maaresto ng pulisya sa Valenzuela City kamakalawa.

Sa ulat ng pulisya, nireklamo nina Benjamin Borja, Noel Babasa, at Rexie Mae Lumapac Enero, si Marie Aguirre o Jaylene Marie Aguirre at isang kasama nito.

Kwento ng tatlo, nagpakilala umanong mga ahente ng sasakyan ang dalawang suspek at sinabihan sila na magpunta sa branch nito sa Brgy. Dalandanan Mac Arthur Highway, para kunin na ang biniling sasakyan na aabot sa P956,000.

Pero nang makuha na ang nasabing halaga, hindi na umano nakita ng mga biktima ang mga suspek at napag-alaman din nila na hindi sila konektado sa car company sa Dalandanan branch.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid ang tunay na pangalan ni Aguirre ay Gaye Reyes Delos Reyes, 48, at nakilala rin ang kasama nitong si Rebecca Reyes Villacorta alyas ‘Dax’, 53. Inaresto ang dalawa sa tinutuluyan nilang bahay.

Nang mai-post naman sa Facebook page ng Valenzuela Police ang mukha ng mga suspek, may nagtungo pa sa himpilan na ibang nabiktima umano ng mga ito dala ang dalawang warrant of arrest laban sa kanila. (Orlan Linde)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?