172

Dec 12, 2017 @ 12:30

Tancontian siblings, nakasungkit ng gold medals sa Singapore

Nakasungkit ang magkapatid na Tancontian na sina Sydney at Chino ng gintong medalya sa sinabakang 10th Jagsport Judo Championships na ginanap sa Singapore.

Napagharian ni Sydney ang women’s seniors division matapos kalusin ang kalabang Singaporean, ayon sa SunStar Davao.

Si Sydney ay SEA Games 2017 judo bronze medalist at kamakailan lang ay nadepensahan ang kanyang titulo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s judo.

Samantala, nanguna naman ang nakababata niyang kapatid na si Chino sa juniors division matapos gapiin naman ang mga kalaban mula sa Indonesia at Singapore para masikwat ang gintong medalya.

Naunang nakamit ni Chino ang UAAP juniors division title.

Hindi naman umubra si Chino sa kalaban niyang taga-Uzbekistan sa men’s seniors’ division at magkasya lamang ang pilak na medalya.

Matapos ang holiday season ay itutuloy ng magkapatid ang kanilang pag-eensayo para sa target na 2018 Asian Games na gaganapin naman sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?