98

May 1, 2019 @ 14:52
By

Tamang pasahod, panawagan ng CBCP sa Labor Day

Nakiisa ang mga opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Filipinong manggagawa sa pagdiriwang ng Labor Day nitong Miyerkoles.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, malaki ang ginagampanan ng sektor ng manggagawa sa lipunan dahil sa ambag nila sa paglago ng isang komunidad.

“Ang paggawa ng mga manggagawa ay napakahalaga sa ating panahon ngayon, napakahalaga sa ating bansa kasi kung walang manggagawa, walang mangyayaring aktibidad para po sa progress ng bansa,” ang pahayag ni Bishop Pabillo.

Diin ng Obispo, mahalaga rin ito sa kanilang sarili dahil hindi lang ito paraan para kumita ng pera kundi nagpapaunlad din sa pagkatao ng bawat manggagawa.

Dapat aniyang mabigyan ng wastong pagkilala ang mga manggagawa tulad ng pagbibigay ng tamang pasahod dahil ito ang inaasahan ng kanilang pamilya.

Sa pag-aaral ng IBON Foundation batay na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) may 6.8 milyong Filipino ang nagtatrabaho habang 27.8 milyon ang mga hindi regular sa kanilang trabaho o agency-hired na mga manggagawa.

Tinatayang nasa 4.6 na milyon din ang mga walang trabaho noong 2018 habang 1.1 milyong trabaho ang nawala sa sektor ng agrikultura noong nakalipas na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?