123
spy-on-the-job-rey-marfil
By

Tama si Ping!

Sharing is caring!

Inilabas na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng tinatawag na ‘narco-list’ o listahan ng 207 kandidato sa barangay elections na sabit daw sa droga. Pero hindi lahat eh natutuwa sa kanilang ginawa.

Sabi ng PDEA, validated o sinuri na rin ng ibang ahensiya ang listahan [na kinabibilangan ng 90 punong barangay at 117 kagawad] kaya tiyak daw na sangkot ang mga ito sa droga. Pero ang tanong ng ating kurimaw na gustong magbenta ng boto kahit ‘di naman siya botante, bakit hindi nila kasuhan ang nasa lista­han kung sure ball sila sa kanilang akusasyon?

Kahit si Senador Ping Lacson, na dating hepe ng PNP, ay hindi pabor sa ginawa ng PDEA dahil maaaring makasagabal daw ito sa trabaho ng mga awtoridad kung mayroon mang minamanman na nasa listahan.

Bagaman ang intensiyon daw ng PDEA ay bigyan ng babala ang mga botante laban sa pagboto sa mga kandidatong nasa listahan, aba’y maaari ring nabigyan nila ng babala ang nasa listahan na mag-ingat at idispatya ang mga ebidensiya ng magsasangkot sa kanya sa droga dahil ngayon ay alam na niya na minamatyagan siya ng mga awtoridad.

Pero kung inosente sa bintang ang barangay official, aba’y na-trial by publicity siya.

Ang mahirap nito, kung totoo man o hindi na sangkot sa droga si kapitan o si kagawad, baka kakabok-kabok ngayon at napa-nanay ko! sa takot dahil posibleng maging markado siya nang sinumang may masamang balak sa kanya.

Sabihin natin na hindi naman pala talaga tulak o protektor ng droga si ka­pitan at ‘user’ o ‘adik’ lang na maaari pang magbago kapag nai-rehab; pero dahil may nakaaway siya na gustong gumanti at wala namang kinalaman sa droga ang kanilang away kung hindi politika, aba’y puwede siyang itumba nito at lalagyan lang siya ng shabu para isipin ng publiko at mga imbestigador na pinaslang siya dahil nasa ‘narco-list’ siya.

Para kay Sen. Lacson, hindi basehan ang sinasabing ‘validated’ ng iba pang ahensiya ang listahan dahil ang talagang magpapatunay lang na sangkot ang mga nasa listahan sa droga ay kung may sapat na ebidensiya laban sa kanila at masasampahan sila ng kaso sa kaukulang korte.

Ngayon na inilabas ng PDEA ang sinasabing ‘narco-list’ ng mga barangay official, ang tanong ng ating kurimaw, ilalabas din kaya nila [at kailan kaya] ang sinasabi nilang listahan naman ng mga lokal na opisyal, gaya ng mga alkalde, na sinasabi nilang sangkot din sa droga? Aba’y kapag hindi nila ginawa, baka magtampo ang mga barangay official na sila lang napag-initan.

Sa totoo lang, dapat naman kasing kumilos din ang mga lider ng barangay at huwag lang patiha-tihaya sa barangay hall na de-aircon. Lumabas din sila sa lansangan at alamin ang nangyayari sa kanilang paligid. Huwag nilang kunsintihin ang mga mokong na nagbebenta at gumagamit ng droga. Maliban na lang kung takot sila sa mga ito.

May mga barangay official din na kinukonsinti at walang pakialam sa kanilang lugar kahit magkahetot-hetot na ang trapik sa kanilang lugar, maghambalang ang mga sasakyan at padyak sa kalsada, nawala na ang bangkete dahil sinakop ng tindahan o ginawang garahe, basta siya, tumatanggap ng benepisyo na para sa mga punong barangay.

Kaya sa mga botante, higit sa ‘narco-list’, kila­lanin ang mga kandidato sa barangay at huwag iboto ang mga alam na ninyong walang silbi. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?