15

Mar 24, 2021 @ 16:20
By

Talamak na trafficking business sa BI ikinabahala ng Gabriela rep

Ikinabahala ng isang lady solon ang paglago umano ng negosyo ng trafficking sa Bureau of Immigration (BI) na kinasasangkutan ng mga empleyado nito.

Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, nakababahala na mismong ang BI na isa sa mga ahensya na dapat pumipigil sa trafficking ang sangkot sa iligal na gawaing ito.

“It appears that a complete trafficking business is thriving at the BI, with the import of Chinese workers for POGOs and the export of Filipino women to Syria. Papano nangyari ito, gayong isa nga dapat ang BI sa magtitiyak ng pagpapatupad ng batas kontra human trafficking?” ani Brosas.

Ang BI ay bahagi ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na itinayo upang pigilan ng human trafficking.

Nanawagan si Brosas sa Department of Justice (DOJ) na masusing imbestigahan ang pangyayari at papanagutin ang mga may kasalanan.

Nais din ni Brosas na magsagawa ng komprehensibong pag-aaral sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (Republic Act 10364) upang malaman kung papaano pa ito mapalalakas at kung ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho.

Sa pagdinig sa Senado noong Martes, lumabas na ang mga tauhan ng BI na sangkot sa pastillas scheme ay siya ring sangkot sa pag-apruba sa mga dokumento ng mga babaeng iligal na ipinapasok sa Syria.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?