202

Dec 14, 2017 @ 13:03
By

Take-home pay ng manggagawa, mas lalaki pa – Angara

Pinagtibay na ng Senado ngayong Miyerkules ang report ng dalawang sangay ng Kongreso kaugnay sa pagsasabatas ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

Ang batas na ito ang sisiguro sa pagtaas ng take-home pay ng mahigit 7 milyong manggagawa sa buong bansa.

Bagaman nauna nang aprubahan ng dalawang Kapulungan na ilibre sa buwis ang taunang sahod na may kabuuang P250,000 pababa, sinunod ng bicam ang bersyon ng Kamara na naglalayong sa ikalawang bugso ng tax reform package ay mas babaan pa ang personal income tax rates pagdating ng 2023.

“Ibinaba na po natin ang kaltas sa buwis simula next year, pero may mas malaking ginhawa pang naghihintay pagdating ng 2023. Ito ay para hindi na mapag-iwanan ulit ng panahon ang tax rates na nagresulta sa napakataas na buwis na hindi na patas para sa mga ordinaryong manggagawa. Alinsunod din ito sa pangako ng administrasyong Duterte na hindi buwisan pa ang kumikita ng P20,000 pababa,” ayon kay Senator Sonny Angara, chairman ng ways and means committee ng Senado.

Nauna na ring pagkasunduan ng dalawang Kamara na itaas ang tax exemption cap sa tinatanggap na 13th month pay at iba pang bonuses ng mga empleyado na mula P82,000 ay ginawa nang P90,000.

Malinaw na halimbawa rito ay ang isang call center agent na kumikita ng tinatayang P30,168 kada buwan. Sa nasabing sahod, pinapatawan siya ng 30% na tax o kabuuang P55,490 sa buong taon.

Sa naaprubahang bill, ang dating 30% tax rate ay ibababa na sa 20 percent o halos P19,000 nalang and babayarang buwis kada taon. Mangangahulugan ito na mas makatitipid o makapagtatabi ng halos P37,000 sa buong taon. Sa 2023, posibleng mas kaltasan pa ang binabayaran nilang buwis at ibagsak sa P13,995 na lamang o 15 percent tax rate.

Napagkasunduan din ng dalawang sangay ng kongreso na gawing simple at madali para sa mga empleyado ang proseso ng tax payment.

Dahil dito, nagpakasunduan ang 8% flat tax na optional para sa mga kumikita ng P3M pababa. Ang ibig sabihin, makapipili ang self-employed individuals at professionals ng paraan kung paano sila makapagbabayad ng buwis. Maaari nilang gawin opsyon ang 8% flat tax rate o kaya naman ay ang schedular personal income tax.

Lahat ng self-employed at professionals na kumikita ng P250,000 pababa, tulad ng iba pang mga manggagawa na ganito rin ang kabuuang sahod sa buong taon, ay libre rin sa buwis. Ang mga kumikita naman o may gross sales na P500,000 below ay exempted sa 3% percentage tax.

Ang 8% flat tax ay isang ulit lamang babayaran sa buong taon, habang ang VAT at ang percentage tax ay dapat bayaran kada apat na buwan.

“Bukod sa pagpapababa ng buwis, mas pinasimple din natin ang proseso ng pag-file ng tax returns para mas madali na ang pagbabayad ng tamang buwis,” paglilinaw pa ni Angara.

Matapos ratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang panukala, agad itong ipadadala sa Tanggapan ng Pangulo sa Malacanang para sa pinal na pagsasabatas at para sa paglalagda ng Punung-Ehekutibo. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?