138
mr-trabaho-joel-villanueva
Dec 31, 2017 @ 10:41

Tagumpay ng Manggagawang Filipino

By Joel Villanueva

Saludo po tayo sa lahat ng mga manggagawang Filipino na nag-alay ng kanilang pawis at lakas-paggawa sa buong taong 2017.

Gumugulong, umuusad po ang ating ekonomiya dahil sa kanila at hindi makakatayo kahit isang araw sa nagdaang taon ang ating bayan kung wala ang mga driver, cook, waiter, karpintero, factory worker, magsasaka, kasambahay, guro, clerk, at iba pa.

Subalit sa kabila ng pag-aalay nila ng kanilang kamay, talino at kakayahan, batbat sila ng pagsubok sa trabaho, domestic o overseas man.

Kaya’t patuloy po ang pagtatrabahonatin sa Senado para pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa kasabay ng pagbibigay sa kanila ng mga bagong oportunidad.

Sa tulong ng ating mga kasamahan sa Senado,organisasyon at mga eksperto, ilan po sa ating mga panukala ay ganap na batas nangayon:

Ang Republic Act (RA) 10929 o ang Free Internet Access in Public Spaces Act ay magbibigay daan sa mas malawak at mas mabilis na internet services sa bansa. Makakatulong ito para sa ating mga kababayang nakabase sa bahay ang trabaho o work-from-home.

Isang malaking reporma naman sa sektor ng edukasyon at training ang RA 10931 o ang Free HigherEducation for All Act. Dahil dito, libre na po ang pag-aaral sa mga state universities and colleges at sa mga training centers ng TESDA.

Sa pagpasok ng bagong taon, ipapatupad ang RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Tatanggalin ng TRAIN ang buwis ng mahigit anim na milyong mangagawa na magbibigay sa kanila ng mas malaking take-home pay.

Samantala, hinihintay na lang po natin ang pirma ng Pangulo upang lubos na maging batas ang Senate Bill (SB) 209 o ang National Tech-Voc Day Actna naglalayongiangat ang dignidad ng mga blue-collar worker sa bansa. Sa taas po ng demand sa mga tech-voc graduates at sa pangangailangan sa kanila ng mga industriya, dapat lang na maglaan ng isang araw, ang ika-25 ng Agosto taon-taon, bilang “Araw ng Tech-Voc”.

Ang SB 1456 o ang Philippine Qualifications Framework (PQF) Act naman ang magsisilbing tulay sa pag-unlad ng mga Filipino at maggagarantiya sa pantay na oportunidad at pa-sweldo lalo na sa mga kababayan nating OFW.

Bago mag-Pasko, inaprubahan ng Senado ang ilan pa nating panukalang batas tulad ng SB 1363(Telecommuting Act),SB 1365(Philippine Passport Act),SB 1431(Tulong-Trabaho Act) at SB 1299(Service Charge in Hotels and Restaurants Distribution Act).

Sa pagpasok ng bagong taon, ipagpapatuloy po natin ang pagsusulong ng mga panukalang batas na makakatulong sa paglikha ng trabaho, magpapalawig ng libreng edukasyon at training, mag-aangat sa dignidad ng mga manggagawa at magbibigay daan sa kanilang pag-asenso sa buhay.

Sa lahat ng mga manggagawang Filipino, maraming salamat po sa inyong pagpapagal.

Nawa’y maging masagana at payapa po ang inyong bagong taon.

Kung may tanong kayo tungkol sa training, pag-a-apply ng trabaho o sa inyong kasalukuyang hanap-buhay, mag-email lamang po kayo sa senatorjoelvillanueva@yahoo.com at bibigyan natin ito ng katugunan dito sa ating kolum.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?