24

Oct 29, 2020 @ 18:56
By

Taguig may pinakamababang COVID case sa Metro Manila

Ang pagbabayanihan ng iba’t ibang grupo sa lungsod ng Taguig ang naging susi upang manguna sa may pinakamababang kaso ng coronavirus disease.

Ito ang ipinahayag ni Taguig City Mayor Lino Cayetano matapos purihin ang pagtutulungan ng mga Taguigeño laban sa COVID-19.

Sa ulat ni Cayetano, mula Oktubre 22-28 ay nasa 151 kaso na lang ng COVID-19 o 1.75 porsyento sa kabuuang 8,608 na kaso habang ang recovery rate naman ay pumalo sa pinakamataas sa buong National Capital Region (NCR) na 97.51 porsyento.

Sa ngayon ay nasa ratio na 15 kaso ng COVID-19 kada 100,000 residente ng lungsod, mas mababa ng 33 porsyento sa aktibong kaso ng COVID-19 na narekord sa buong Metro Manila.

Samantala, ang case fatality rate ng lungsod ay pumapalo lamang sa 0.73 porsyento, mas mababa sa fatality rate sa Metro Manila na may 2.92 porsyento.

“Dapat isipin natin paano tayo nakarating dito. Paano tayo naging isang siyudad na may pinakamababa ang kaso sa Metro Manila, na pinakamababa ang kaso at ipagpatuloy natin ito. Dahil ito sa malasakit at pag-aalaga sa ating mga kababayan,” saad ni Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?