15

Tagle, umapela na pag-aralang muli ang batas para sa baril

Sharing is caring!

Sa harap ng mga nagaganap na patayan sa bansa kung saan napupuntirya na rin ang mga alagad ng simbahan, may panawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mambabatas at sa mga awtoridad.

Nagtataka ang kardinal kung bakit maraming mga sandata at baril na nagkalat.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Cardinal Tagle na muling suriin ang mga batas at patakaran sa paggawa, pagbebenta, pagbili at pagmamay-ari ng baril.

Umaasa siya na hindi mangyayari ang kanyang pangamba na darating ang araw na mas madali pang bumili ng baril kaysa sa bigas.

Bilang bahagi pa rin ng kanyang mensahe ngayong Araw ng Kalayaan, sinabi ni Cardinal Tagle na hindi tayo dapat paaalipin sa galit, inggit, yabang, at paghihiganti.

Aniya, ang Pilipinong tunay na malaya ay hindi nagsasamantala, naninira at nambubusabos ng kapwa.

Kaya kapag ang isang indibiduwal ay inuutusan o binabayaran na manakit o pumatay ng kapwa tao, mahigpit ang apela ni Cardinal Tagle na huwag itong sundin.

“Huwag na tayong magpaalipin muli sa mga hangarin at silakbo na umuuwi sa kamatayan…” saad ni Cardinal Tagle. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?