47
divorce
Mar 4, 2018 @ 18:29
By

Tagle sa mga nagtutulak ng Divorce Law: Isipin n’yo ang mga bata

PINAALAAHANAN ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga nagsusulong at sumusuporta sa pagkakaroon ng Divorce Law sa bansa na isipin ang kapakanan ng mga bata.

Partikular na binanggit ni Tagle sa kanyang paalala ang mga mag-asawa.

Ipinunto ng lider ng Simbahang Katoliko na hindi dapat nagiging hadlang sa kapakanan ng mga bata ang kaligayahan at kapritso ng mga magulang.

Giit nito, inosente o walang kamuwang-muwang ang mga bata para madamay sa isyu ng kanilang mga magulang.

Noong nakaraang buwan, nakalusot na sa House Committee on Population and Family Relations ang panukalang Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Act at ito ay pagdedebatehan na sa plenaryo.

Sa panukala, ilan lang sa mga maaring maging dahilan para sa diborsiyo ay ang pagkakaroon ng anak sa iba ng sinoman sa mag-asawa, pang-aabusong pisikal, sentensiya ng pagkakakulong ng higit sa anim na taon, drug addiction, pagkalulong sa alak at sugal at homosexuality sa sinoman sa mag-asawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?