272
bylines-milky-rigonan
Oct 23, 2017 @ 15:45

Tacloban noon, Marawi ngayon

Nasa reconstruction at rehabilitation mode na ang gobyerno sa Marawi City matapos ma-neutralize sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Umaabot sa 50-billion pesos ang rehabilitation fund na kailangan para maibangon ang Marawi City matapos ang mahigit limang buwan na karahasan ng Maute group at iba pang ISIS-inspired terrorist groups.

Sa ilalim ng 2018 General Appropriations Act, P5-billion ang inisyal na pondong inilaan ng DBM para sa quick recovery and rehabilitation ng Marawi City.

Ayon kay Senator Loren Legarda, Chairman ng Finance Committee, bukod sa inilaang pondo sa NDRRMC para sa Marawi rehab, maglalaan din ng additional funding ang Senado para matiyak ang quick recovery operations.

Bukod pa dito ang P500-million subsidy para sa loan facility sa mga residente ng Marawi na papangasiwaan ng Land Bank of the Philippines.

Umaasa ang maraming Senador na maging tuloy-tuloy ang rehabilitasyon ng Marawi City at hindi sana magaya sa nangyari sa Tacloban City.

2013 nang manalasa ang bagyong Yolanda. Ang Tacloban City ang naging sentro ng lupit ng naturang super typhoon.

Libo-libo ang nawalan ng bahay, maraming mga napinsala sa agriculture at infrastructure.

2017 na pero hindi pa rin naipaliliwanag kung nasaan na ang bilyong pisong pondo para sa Yolanda rehabilitation.

Ilang beses nang nagpatawag ng hearing ang Kamara para pagpaliwanagin ang National Housing Authority dahil base sa records, umaabot sa 382,082 ang housing units na nasa ilalim ng NHA Housing Program para sa mga biktima ng Yolanda.

Sa kabuuang bilang, 190,413 units ang nakumpleto sa ilalim ng 3-year program na dapat natapos noon pang 2016.

Kinukuwestiyon din ang nagdaang Aquino administrasyon kung saan napunta ang Yolanda funds kasama ang mga substandard na housing units kaya ayaw tirhan ng mga naapektuhang residente.

Fast forward, Marawi City naman ngayon ang pag-uukulan ng pansin ng gobyerno para sa rehabilitation program matapos mabiktima ng ibang uri ng bagyo – ang lupit ng terorismo.

Tulad ng mga taga-Tacloban, hindi rin magiging madali sa mga taga-Marawi ang pagbangon, higit pa sa physical development ang kailangan ng mga residente doon para bumalik sa normal ang kanilang kabuhayan.

Malaking factor na matiyak ang seguridad ng mga residente ng Marawi City laban sa banta ng panibagong terorismo.

Mataas ang kumpiyansa ng mga taga-Mindanao sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sana lang, maging aral ang nangyari sa Tacloban para maging prayoridad ng Duterte administration ang pagbangon ng Marawi City.

Dapat malinaw kung saan mapupunta ang inilaang rehabilitation funds, gawing mabilis ang pagtatayo ng mga pabahay nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng mga housing unit at pinakamahalaga – accountability sa mga opisyal na maitatalaga na mangasiwa sa programa ng gobyerno sa pagbangon ng naturang lungsod.

Maliban sa ipatutupad na rehabilitation, sana huwag kalimutan ng Duterte administration na dapat may managot sa mga nangyaring karahasan sa Marawi City.

Bukod sa bilyong-bilyong pisong pondo na kakailanganin sa Marawi rehab program, dapat papanagutin din ng goyerno ang ilang mga local officials doon na nagkulang, and worst naging kasabwat para maipasok ang maraming mga armas sa Marawi bago ilunsad ang karahasan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?