200

Oct 25, 2017 @ 12:59

Taas-toll fee sa NLEX at STAR Tollway, kinuwestiyon

Binanatan ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pag-apruba sa provisional toll hike sa North Luzon Expressway (NLEX) at STAR Tollway.

Ayon kay Zarate, dagdag-pahirap na naman ito sa mga pasahero.

Nagtataka naman ang kongresista kung bakit inaprubahan agad ng TRB ang pagtaas sa toll fee na ipatutupad simula sa Nobyembre 6 gayong hindi pa nagpapatawag ng mga pagdinig.

Ni hindi pa rin aniya nagbibigay ang expressway operators ng kopya ng Supplemental Toll Operations Agreement (STOA) na mahigit tatlong taon na nilang hinihingi.

“This proposed hikes are very questionable because of lack of transparency,” sabi ni Zarate.

Dahil dito’y naghihinala si Zarate na merong over-collection at over-compensation sa kontrata pabor sa expressway companies.

Iginiit ng mambabatas na walang basehan para sa 25 centavos na toll fee increase sa NLEX at 67 centavos sa STAR Tollway mula Sto. Tomas hanggang Batangas City.

Sobra-sobra na aniya ang kinita ng mga kumpanyang ito sa nakalipas na apat na taon.

“In the last four years, these expressway companies have been earning P2.3B-P2.99B income. They are hardly at the losing end of the deal, they just want to rake in more profits,” ayon sa kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?