36

Jul 20, 2021 @ 20:41
By

Taas-presyo sa mga pangunahing bilihin sisipa na

Inaprubahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hiling ng mga manufacturer na dagdag-presyo sa ilang pangunahing bilihin.

Ayon sa DTI, tatlo hanggang limang porsiyento ang pinayagan nilang dagdag-presyo sa ilang pangunahing bilihin na hindi naman umano aabutin ng P1.

Halimbawa sa kape na 3% ang itataas ay katumbas ito ng P0.15 dagdag-presyo kada pakete, P0.50 sa gatas at P0.50 hanggang P0.75 kada lata ng sardinas.

P0.25 hanggang P0.40 naman kada pakete ng instant noodles.

“Inaral ‘yung cost. ‘Yung tin can ay nag-increase ng 60% na. ‘Yung PET bottles 37%, ‘yung tamban ‘yung laman ng sardinas ‘yung isda 14%. ‘Yung mga meat ingredient eto ‘yung mga beef ‘yung mga panlaman sa corned beef nag-increase ng 20%. ‘Yung chicken MDM 87% na ang itinaas. ‘Yung trigo that goes into the noodles, 56% increase,” lahad ni DTI Secretary Ramon Lopez sa TV Patrol.

Humingi naman ng pang-unawa si Lopez mula sa mga mamimili dahil ilang taon din daw nilang napigilan ang pagtaas ng presyo ng bilihin na dalawang taon na.

Ngayon aniya ay hindi na kayang pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Two years nang hindi nag-adjust talagang nagtataasan na ang cost pero hindi pa rin sila nag-adjust, napipigilan pero eto ang panahon na hindi na mapigilan, nagrereklamo na talaga ang mga kompanya. And they are food producers so hindi puwede namang wala silang adjustment kahit 3-5% so ‘yan lang in-allow natin,” pahayag pa ni Lopez.

Setyembre 2019 pa huling pinayagan ang mga manufacturer na magtaas ng presyo dahil sa pandemya at pagputok ng Bulkang Taal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?