18

Oct 20, 2020 @ 15:40
By

Taas presyo ng pang-noche buena tinutulan ni Imee

Mariing tinutulan ni Senadora Imee Marcos ang hirit na itaas ang presyo ng mga produktong pang-noche buena ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Una rito umapela ang mga manufacturer sa Department of Trade and Industry (DTI) na magdagdag sila ng isa hanggang tatlong porsiyetong pagtaas sa presyo ng ilang popular na produktong pang-noche buena.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, dapat manatili sa kasalukuyang presyo ang mga handa sa tradisyonal na noche buena dahil sa mababang exchange rate, may umiiral na price freeze at mababang transport cost.

“Sa gitna ng pandemya, please, ‘wag na muna magtaas ng presyo ang mga manufacturer dahil hikahos na nga ang mga Pinoy. Dagdag pang pabigat sa kanilang balikat ang pang-araw araw na gastusin. Magpa-Paskong tuyo na lang ba ang marami sa ating mga kababayan? ‘Wag naman!” pahayag ni Marcos.

Pakiusap ng senadora sa DTI, tanggihan ang apela ng mga manufacturer at mahigpit na ipatupad ang prize freeze habang umiiral pa ang pandemya.

Sabi pa ni Marcos, dapat suriin muna ng DTI ang inventory ng mga retail store dahil nakatambak na ang mga supply ng noche buena products sa kanilang warehouses simula noong June.

“Kung pagbibigyan na naman ni DTI Sec. Mon Lopez ang hirit ng mga manufacturer, kawawa naman ang mga konsyumer, marami ang walang trabaho at kita, pagkakaitan pa ng konting handa sa noche buena,” ani Marcos.

Sa datos ng DTI, mahigit sa 20 brands ng limang manufacturer ang humihirit ng taas-presyo tuwing Christmas season.

Sa monitoring naman ng opisina ni Marcos, tumaas na ng P40 kada kilo ang hamon na itinitinda sa pamosong ham store sa Quiapo, Maynila at posibleng tumaas pa ito bago sumapit ang Pasko.

Lalo pang tumaas ang presyo ng baboy sa palengke at supermarket na naglalaro sa P295 hanggang P350 ang kilo.

Ganoon din ang manok sa Robinson’s supermarket at Savemore na nasa P160 hanggang P198 na kada kilo, depende sa parte ng manok.

Dahil kulang ang suplay ng baboy, posibleng tumaas din ang presyo ng isang buong lechon sa La Loma, Quezon City mula P500 hanggang P1,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?