74

Nov 1, 2018 @ 14:40
By

Taas-pasahe, suspendihin muna – solon

Hinimok ni Aangat Tayo party-list Rep. Harlin Abayon ang LTFRB na makinig sa Department of Transportation (DOTr) na i-review ang desisyong payagan ang taas-pasahe sa jeepney at bus.

Kinatigan ni Abayon ang rekumendasyon ni Transportation Secretary Arthur Tugade na gumamit ng ‘parametric formula’ o predetermined matrix para sa mas madaling adjustment ng singil sa pasahe.

Mungkahi pa ng kongresista, mag-convene ng emergency meeting ang LTFRB para desisyunan na ipagpaliban muna ang naunang kautusan para sa taas-pasahe habang nagsasagawa ng review base sa suhestiyon ng DOTr.

Sa proposal ni Tugade, ibabase ang dagdag-pasahe sa galaw ng presyo ng langis para automatic ang rate adjustment at hindi kung kelan lang merong petisyon.

Una rito, ibinasura ng LTFRB ang apela ng commuter group na suspendihin ang fare hike.

Sampung piso mula sa kasalukuyang P9 ang inaprubahang minimum na pamasahe sa jeepney habang P13 mula sa P12 ang pasahe sa bus para sa air-conditioned units, at P11 mula P10 para sa ordinary units.

Ang hakbang ng Board ay bunsod ng serye ng oil price hikes nitong mga nakaraang buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?