100

Nov 8, 2017 @ 18:49
By

Taas-buwis sa petrolyo, pinabubura sa Tax Reform Bill

Igigiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na burahin mula sa Tax Reform Bill ng Malacañang ang pagtataas ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Recto, maraming puwedeng patawan o taasan ng buwis kaysa petrolyo.

Sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na isinusulong ng Malacañang at inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, tataasan ng P6 ang excise tax ng petrolyo.

Sa kanilang bersiyon, ipapataw ito sa loob ng tatlong taon — P3.00 kada litro sa unang taon, P2.00 ang idaragdag sa ikalawang taon at P1.00 sa ikatlong taon.

Sa bersiyon ng Senado na binalangkas ni Senador Sonny Angara na chairman ng Senate committee on ways and means, ipapataw ang dagdag na P1.75 buwis kada litro ng petrolyo sa unang taon, P2.00 sa ikalawang taon at P2.25 sa ikatlong taon.

“As much as possible, number one is tanggalin dahil meron akong ibang paraan na puwedeng patawan ng buwis, halimbawa certain financial transactions, like documentary stamp taxes,” pahayag ni Recto.

“Kung kaya nating gumawa ng paraan na maghanap ng ibang sources of taxes na hindi tatamaan ang consumer, puwedeng wala na ring itataas sa oil prices,” dagdag nito.

Binigyang-diin na magiging malaking pasakit ang pagtataas ng buwis sa petrolyo dahil patuloy ang pagtaas ng presyo nito bunsod naman ng pagsirit ng presyo nito sa world market.

Ayon kay Angara, bukas pa naman sa mungkahi ang TRAIN version ng Senado dahil nasa period of interpellation pa sila rito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?