20

Oct 15, 2020 @ 20:55
By

Syndicated estafa vs 14 pulis pinabasura ng korte

Ipinag-utos ng Regional Prosecutors Office ng Soccksargen ang dismissal sa lahat ng kasong syndicated estafa na inihain laban sa 14 na pulis kabilang ang isang retirado.

Pinababasura ang mga kaso laban kina PCol. Manuel M. Lukban Jr., Ret. PCol. Raul Supiter, PLTCol. Henry Biñas at 11 pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kawalan ng probable cause at gross insufficiency ng ebidensiya.

Ang mga kaso ay inihain ng mga tauhan ng PRO12, sa utos ng noo’y Regional Director nilang si Gen. Eliseo Rasco.

Magugunitang sinibak noong Marso 2019 ang naturang mga pulis dahil sa umano’y P2 bilyong PPM investment scam.

Ginawang basehan ang anonymous text message at umano’y maling impormasyong natanggap ng Department of the Interior and Local Government tungkol sa scam, na naging mitsa para ipag-utos ni Sec. Eduardo Año ang immediate relief at pag-iimbestiga laban sa mga nabanggit na PNP officer.

Samantala, nakitaan naman ng probable cause ang syndicated estafa case na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group laban kay Mark George Naval, actual founder/proprietor ng PLANPROMATRIX Co., at kanyang mga staff na sangkot sa pyramiding scam kaya naman sinampahan sila ng limang counts ng syndicated estafa.

Marso 4, 2020 inilabas ang warrant of arrests na walang piyansa laban sa mga totoong scammer.

Lumutang naman sa isinumiteng ebidensiya sa Office of Prosecutors ang pangalan ng iba pang pulis na sina PMaj. Michael Elopre at PCpl. Jeanette Credo Dosdos na siya umanong nakakolekta ng milyon-milyong piso bilang pay-outs at hindi ang tatlong pulis na nauna nang inimbestigahan.

Pero napalaya sa mga kaso si PCpl. Dosdos dahil hindi siya isinama ni Rasco sa kasuhan.

Kaugnay nito, isang Patrolwoman Joy Kristine Rojas ang kasalukuyang nawawala dahil sa investment scam.

Sa recorded conversation, nabunyag ang ginawang pananakot ni Rasco kay Rojas kapag nagbigay ito ng maling testimonya tungkol sa scam.

Humingi na ng tulong ang mga kaanak ni Rojas kay Philippine National Police chief Gen. Camilo Cascolan para mahanap ang nawawalang patrolwoman.

Samantala, tagumpay na nakapagretiro si Rasco, isang taon na ang nakalipas, sa kabila na maraming naglutangang investment scam sa panahon niya bilang regional director.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?