459

Sep 21, 2018 @ 17:28
By

Sylvia, okay lang kahit sabihing mas magaling sa kanya sina Arjo at Ria

Sobrang proud ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez sa mga anak na sina Arjo Atayde at Ria Atayde.

Nagpakita kasi ng kakaibang husay si Arjo sa pelikulang ‘Buy Bust’ na pinagbidahan ni Anne Curtis. Bukod pa rito, sunod-sunod din ang projects ni Arjo tulad ng ‘Tol’ with Ketchup Eusebio at Joross Gamboa na mula sa Reality Entertainment at idinirek ni Miko Livelo. Kasama rin si Arjo sa MMFF movie nina Coco Martin at Vic Sotto na ‘Jack Em Popoy: The Puliscredibles’.

Isa pang big project sa magaling na actor ay ang TV series na ‘The General’s Daughter’ na pagbibidahan nina Angel Locsin, Ryza Cenon, Janice De Belen, Eula Valdez, at Ms. Maricel Soriano mula sa Dreamscape Entertainment.

Si Ria naman, bukod sa kaliwa’t kanan din ang projects ay bahagi ng ‘The How’s of Us’ na tinampukan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Ito ang highest grossing Filipino movie sa kasaysayan ng Pilipinas na nilagpasan ang kita ng pinakamalaking movie ni Vice Ganda.

“Ako’y natutuwa at sobrang proud kina Arjo at Ria and lagi kong sinasabi sa kanila na huwag lang silang magmamadali,” panimula ni Ms. Sylvia nang makahuntahan namin sa opening ng 41st branch ng Beautederm na tinawag na Beautefy by Beautederm sa Ali Mall Cubao, last week.

Esplika ng Kapamilya star, “Kahit sabihin pang mas magaling sa akin ang mga anak kong umarte, ang saya ko. Mas ayaw ko iyong, ‘Uy mas magaling ka sa anak mo,’ mas nakalulungkot ‘yun.

“May nagsasabi sa akin na, ‘Mas magaling sa iyo anak mo.’ Thank you. Kung may nagsasabi na, ‘Mas busy ang mga anak mo sa iyo’, thank you. Kaysa sabihin na ako ang mas busy, ang mas magaling… ay nakalulungkot iyon.”

Dagdag pa ni Ms. Sylvia, “Actually sinasabi ko naman sa mga anak ko na huwag tayong mangarap na biglang bida. Huwag kang mangarap na roon kayo agad sa top.

“Mangarap tayo na maging pulido ang foundation ninyo bilang aktor at aktres. Maging solido ‘yung foundation n’yo, kaya dahan-dahan nating abutin kung anuman ang gusto ninyong abutin. Kasi mas maganda ‘yung longevity eh.

“Ang pangarap ko sa mga anak ko eh hanggang sa kung kailan nila gustong mag-artista, hanggang sa pagtanda nila. Kaysa iyong biglaan na nandiyan ka agad tapos mawawala. Ang daming nangyayaring ganoon, aminin natin,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?