27

Jul 26, 2021 @ 13:34
By

SWS: Nagsasabing sila’y mahirap, dumami sa Visayas

Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na nasa 49% ng mga pamilya sa Pilipinas ang itinuturing na sila’y mahirap, kung saan malaki ang itinaas sa Visayas.

Tumakbo ang survey mula Hunyo 23 hanggang Hunyo 26 kung saan 1,200 adult respondent mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang tinanong.

Dito ay nadiskubre na 49% ng mga pamilya ang nagsabing mahirap sila, habang 29% ang nagsabing sila ay ‘borderline poor’ at 23% ang nagsabing hindi sila mahirap.

“The movement of the Self-Rated Poor is compatible with the series of official poverty incidence rates. Still, it is both more up-to-date and revealing of the volatility of poverty during intermediate points of time,” pahayag ng SWS.

Dito rin nadiskubre na dumami sa Visayas ang nagsabing mahirap sila. Mula 56% noong Mayo ay umakyat ito sa 70% nitong Hunyo.

Sa Metro Manila naman ay nasa 43% ang tumuturing na sila ay mahirap nitong Hunyo, kumpara sa 39% noong Mayo.

Sa Luzon naman ay bumaba sa 38% ang self-rated poverty sa huling survey mula sa 45% noong Mayo, at sa Mindanao ay nasa 51% na lamang ito mula sa 59%.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?