81

Jan 13, 2022 @ 12:56
By

Sweldo ng mga social worker ng gobyerno itaas – Lapid

Naghain si Senador Manuel “Lito” Lapid ng isang panukala na naglalayong dagdagan ang kompensasyon ng mga public social worker.

Sa kanyang inihaing panukala, layunin nito amyendahan ang Republic Act No. 9433 o Magna Carta for Public Social Workers, na nagtataas sa salary grade ng entry-level ng junior office public social worker sa Salary Grade 13 o katumbas sa P29,798 kada buwan.

Ayon kay Lapid, ang mga social worker ay mga frontliner din ng gobyerno at ang karamihan sa kanilang trabaho ay ground o field work kaya naman lantad sila sa panganib o peligro.

Dahil sa krusyal at mahalaga ang kanilang papel sa lipunan, lalo na sa panahon ng pandemya, sinabi ni Lapid na nararapat lang na kilalanin at bigyan sila ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbigay ng dagdag na kompensasyon.

“Napakarami ng responsibilidad na ginagampanan ng mga social worker dito sa ating bansa. Kahit sa gitna ng pandemya, matiyaga silang nagtatrabaho para makapaghatid serbisyo sa ating mga kababayan kasama na riyan ang pamimigay ng relief goods sa mga tinamaan ng kalamidad,” ani Lapid.

Dagdag pa ng senador, ang mga social worker din ang nagbibigay ng suporta at gabay sa mga bata, kababaihan at mga pamilya na biktima ng pang-aabuso.

Kasama rin sa trabaho nila ang pagtuturo sa mga bata sa mga day care centers at pagtulong sa out-of-school youths at OFWs.

“Sa dami ng kanilang responsibilidad, marapat lamang na bigyan sila ng tamang pagkilala at malaking tulong sana sa kanila at kani-kanilang pamilya kung mabibigyan sila ng mas mataas na sweldo para may sapat silang panggastos at pambili ng kanilang pangangailangan,” paliwanag nito. (Dindo Matining)

Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?