303

By

Sweetheart deal ng Prime Water-Villar at LWUA kakalusin sa Kamara

MANILA – Nais paimbestigahan ng mga militanteng kongresista mula sa Makabayan bloc ang mga umano’y sweetheart deals sa pagitan ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at ng Prime Water Corporation ng mag-asawang sina dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar.

Base sa House Resolution No. 10 ng Makabayan Bloc, nakakabahala umano ang pagsasapribado ng mga local water districts (LWD) sa iba’t ibang panig ng bansa dahil napasakamay lamang ito ng monopolyong estilo ng kumpanya ni Villar gamit ang Joint Venture Agreement (JVA).

Ayon sa Makabayan bloc, hindi bababa sa 30 LWD na ang napasakamay ng Prime Water sa nakalipas na apat na taon gamit ang JVA sa kabila ng umano’y palpak na customer satisfaction sa mga lugar na kanilang sineserbisyohan.

Kabilang na umano sa mga palpak na serbisyo ng kumpanya ng pamilya Villar ay ang pagkakaroon ng mabaho at maruming tubig at tagang singil sa mga customer.

“There were complaints on the quality and supply of water provided by Prime Water, including the non-potable water, intermittent supply, and unreliable billing and meter reading system,” saad ng resolusyon.

Una nang napag-alaman sa ulat ng Commission on Audit na nakakalason umano ang isineserbisyong tubig ng Prime Water sa Guagua, Pampanga base sa 2018 annual audit report nito dahil sa mataas na level ng arsenic.

Ang maximum allowable level para sa drinking water ay 0.01 mg/L. Pero ang mga nabanggit na pumping station sa Guagua na pinapatakbo ng Prime Water ay nakapagtala ng hanggang 0.023 mg/L – halos doble sa pinapayagan ng gobyerno.

Higit din sa 35 water district at 100 LWD ang isinapribado ng kompanya ng mga Villar ayon kay Ramir Corcolon, presidente ng San Pablo Water District Employees Association at Water Systems Employees Response.

Marami na ding empleyado umano ang nasibak sa trabaho sa pag-take-over ng operasyon ng Prime Water. Kabilang sa mga water district na isinapribado ay sa Metro Quezon; Lemery, Batangas; Los Baños, Laguna; Batangas City; Rosario, Batangas; at Daraga, Albay.

Ayon sa Makabayan bloc, napapanahon na para silipin ng Kamara kung angkop pa ba na ibigay sa mga pribadong kumpanya hindi lamang ang Prime Water kung hindi maging ang dalawang malalaking water concessionaires — ang Maynilad at Manila Water — dahil sa mga sablay na serbisyo nito sa kanilang mga nasasakupan.

“There is an increasing clamor to reverse water privatization. Many see that there is no way out of the trap of exorbitant water rates and unreliable service unless the concession and joint venture agreements with profit-driven private companies are junked,” saad ng resolusyon.

“Congress must initiate legislative measures to reverse water privatization and save the public from the profiteering of big private companies.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?