7

Jul 14, 2020 @ 17:49
By

Swab test sa nanay ng dalagitang pinatay sa Ilocos, pinamamadali

Nakiusap ang Malacañang kay Taguig City Mayor Lino Cayetano na tulungan ang OFW na ina ng ni-rape at pinatay na dalagita na sila na lamang ang mag-swab test para mabilis na makauwi sa Ilocos Sur.

Dumating sa bansa mula sa Kuwait nitong Lunes ang ina ni Fabel Pineda at agad dinala sa isang quarantine facility habang hinihintay ang resulta ng kanyang swab test.

Nais ni Ginang Pineda na i-exempt na siya sa mahabang paghihintay ng resulta ng swab test para makauwi na agad at makita ang bangkay ng kanyang anak.

Dahil dito hiniling ni Roque kay Mayor Cayetano na sila na lamang ang mag-swab test dahil mabilis ang kanilang proseso na inaabot lamang ng isang araw.

“Puwede ba hong i-request ko na magpadala na lang kayo ng swabber kung nasaan man ang nanay ng biktima? Alam ko na ang Taguig one day lang, para after one day makauwi na siya sa Ilocos Sur? Can I ask that from you?,” ani Roque.

Positibo naman ang naging tugon ni Mayor Cayetano dahil nagkataong siya ang guest ni Roque sa kanyang regular press briefing nitong Martes.

Tiniyak ng kalihim na makakauwi agad sa Ilocos Sur si Ginang Pineda dahil sa ibinigay na commitment ng alkalde ng Taguig City.

“Iyan po ang kasagutan, aksiyon agad si Mayor Cayetano. Magpapadala po siya mg swabber at within the day ay may resulta na nang siya ay makauwi na sa Ilocos Sur,” dagdag ni Roque.

Nauna rito ay inilunsad ng Taguig City ang kanilang drive through swab testing kung saan mabilis na makukuha ang resulta at hindi na kailangang maghintay ng ilang araw para malaman ang resulta ng swab test.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?