22

Feb 22, 2021 @ 9:20

Swab test ‘di na required sa Cebu tourist

Padadaliin ng lalawigan ng Cebu ang pagpasok ng mga turista roon.

Anunsiyo ito ni Governor Gwendolyn Garcia habang tinututulan ang rekomendasyong isailalim muli sa lockdown ang Cebu habang sumisirit ang mga kaso ng COVID-19 doon at sa mga lungsod ng Cebu at Lapu-Lapu.

Bukod dito, nadiskubre rin ang dalawang mutation ng coronavirus sa nasabing isla.

“Never again. Don’t you dare try because I will not agree, and the Cebuanos will not agree that you will make our lives miserable,” bigkas ito ni Garcia na patungkol sa panukalang ibalik ang Cebu sa pinakamahigpit na quarantine status, ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Don’t mess with us. We can take care of ourselves. I will not and never again accept a lockdown. I’ll fight for Cebu and Cebuanos because Cebu is moving on and moving forward,” dagdag niya.

Wika ng gobernador, gagawing hindi mandatory ang pagpresenta ng COVID-19 swab test ng mga bibisita sa Cebu.

Ang negatibong coronavirus swab test ay kabilang sa mga requirement para sa mga gagala sa halos lahat ng iba pang tourist spot sa bansa.

Ang kailangan lang aniya para sa mga gustong maging turista sa Cebu ay medical certificate ng doktor at prebooking ng accommodations.

Simula Martes, Pebrero 23, opisyal nang bubuksan ang Cebu sa mga domestic tourist, ani Garcia.

Magugunitang mula Oktubre 2020, pinayagan ng opisyal ang pagpasok ng mga bisita na mula lang sa kanilang isla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?