53

Dec 17, 2019 @ 15:05
By

SUV sumalpok sa puno, 2 pulis patay

Patay ang dalawang pulis habang sugatan ang apat na iba pa matapos na bumaligtad ang sinasakyan nilang Sports Utility Vehicle (SUV) nang hindi makalkula ang pakurbadang kalsada sa bayan ng Malangas, Zamboanga Sibugay, Lunes ng gabi.

Dead-on-the-spot dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan ang mga biktimang nakilalang sina Police Corporal Jourecel Jake Revilla Celestial at Patrolman Alexander Toribio Laquinon.

Kasalukuyan namang nakaratay sa Wilfredo Palma Memorial Hospital sa Diplahan, Zamboanga Sibugay ang apat nilang kasamahan na sina Police Corporal Rommel Pangate Apiong; Patrolman Stephen Ray Lanigao Alicando, 23, Patrolman Logie Suarez Servo, 24, at Patrolman Arcel Sugabo Matugas, ang mga nasabing pulis ay pawang miyembro ng 903rd Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion 9 sa Camp Del Castillo sa Barangay Candilis, Malangas, Zamboanga Sibugay.

Sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa kahabaan ng National highway sakop ng Purok 3, Barangay Guilawa ng nabatid na bayan.

Lulan ng Nissan Frontier Navara na may plakang KEX-497 ang mga biktima na minamaneho ni Corporal Apiong at pagsapit sa pakurbang bahagi ng kalsada ay hindi umano natantsa ng drayber ang palikong kalsada dahilan upang magtuloy-tuloy na bumangga ang sasakyan sa tatlong puno ng mahogany.

Sa lakas ng salpok ay bumaligtad pa ang sasakyan dahilan ng pagkamatay ng dalawa sa mga ito at ikasugat ng apat na pulis.

Mabilis namang naisugod sa nabatid na pagamutan ang mga sugatang pulis kung saan naka-confine ang mga ito dahil sa tinamong mga pinsala sa ulo at katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?