50

By

SUV sumalpok sa kasalubong na traysikel, 5 patay

Patay ang 5 pasahero ng isang traysikel matapos na salpukin sila ng isang SUV na nawalan ng kontrol matapos pumutok ang isang gulong nito Sabado (July 13) bago magtanghali sa bayan ng Matalam sa lalawigan ng Cotabato.

Dead on the spot ang mag-asawang biktimang nakilalang sina Ahmed Mamadra, drayber ng traysikel, at Pai Mamadra, nasawi naman habang ginagamot sa ospital ang tatlo nilang kasamahan na inaalam pa ang pagkakakilanlan, ang mga ito ay nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan dahil sa insidente.

Samantala hawak nang Matalam Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Andong Baraguir, drayber ng Toyota Innova na sumalpok sa traysikel na sinasakyan ng mga biktima.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Bryan Placer, hepe ng Matalam MPS sa Cotabato Police Provincial Office (PPO), naganap ang insidente pasado alas 11:00 bago magtanghali sa kahabaan ng Barangay Kilada ng nasabing bayan.

Magkasalungat na binabagtas ng Toyota Innova at traysikel ang nabatid na kalsada nang bigla umanong pumutok ang isa sa gulong ng SUV.

Ayon sa ilang saksi base na rin sa pahayag ng mga ito sa himpilan ng pulisya, nawalan ng kontrol ang SUV hanggang sa mapunta ito sa kabilang linya kung saan eksakto namang pasalubong ang traysikel na minamaneho ni Mamadra.

Dahil sa lakas ng pagsalpok ng sasakyan ay tumilapon ang 5 biktima na lulan ng traysikel dahilan ng agarang pagkamatay ng mag-asawang Mamadra habang ang tatlo nilang kasamahan ay sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan pero nasawi din haban ginagamot ang mga ito.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek na ngayon ay nakapiit sa Matalam MPS detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?