2,015

May 13, 2021 @ 21:01
By

SUV pinagbabaril ng mga guwardiya sa Alabang mall

Viral ang video kung saan makikita ang mga security guard ng isang mall sa Alabang, Muntinlupa na pinagbabaril ang isang puting sports utility vehicle (SUV) nitong Huwebes ng hapon.

Ibinahagi ni Randy Romulo Cabarrubias sa Facebook ang naturang video na mayroon nang 342,000 views.

“At the moment habang nag dedeliver ako nagkaputukan sa harap ko. Dito yan sa starmall alabang,” sabi ni Cabarrubias.

Sa ulat, sinabi ng Muntinlupa City Police Station na naganap ang insidente ng alas-4:30 ng hapon.

Nauwi umano sa pamamaril ang isang kaso ng pagnanakaw sa parking exit ng Starmall.

Pinahinto umano ng mga guwardiya ng Starmall ang Mitsubishi Montero na may sakay na tatlong lalaki na hinihinalang magnanakaw pero sa halip na huminto ay binangga ng mga suspek ang motorsiklo ng security guard na ginamit na harang.

Ito umano ang naging dahilan kaya pinutukan ng mga guwardiya ang sasakyan ng mga suspek pero hindi natinag ang mga salarin at pinaharurot pa rin ang sasakyan.

Natagpuan na lamang umano ang sasakyan sa harap ng Anuva Residences condominium building sa East Service Road sa Cupang, Muntinlupa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?