116

By

Sustansyang taglay ng kamote

Sharing is caring!

Ang mga pagkain na pangkaraniwan sa ating paningin tulad ng kamote ay madalas na hindi natin binibigyan ng pansin at hindi natin alam na ito pala ay nagtataglay ng mga sustansyang wala sa ibang mga gulay.

Sa eskuwelahan kapag sinabing nangamote, ibig sabihin ay kulelat o bagsak. Ngunit kung mismong kamote ang pag-uusapan, malayo sa katotohanan na ikumpara ang kamote sa pagiging kulelat, dahil ang kamote ay nangunguna sa mga pagkaing nagbibigay ng maraming sustansya.

Subalit sa mga may problema naman sa kidney o bato sa kidney, ipinapayo na huwag kumain ng sobrang daming kamote dahil may pag-aaral na hindi ito makabubuti para sa mga kondisyong tulad nito.

Ang mga sumusunod ay ang mga benepisyo sa kalusugan na maaaring makuha sa pagkain ng kamote:

Malusog na puso – Ang potassium na nasa kamote ay maganda para sa puso. Napapanatili nito ang balanseng fluid na nakapagpapababa sa blood pressure. Ang potassium din ay isang mahalagang electrolyte na tumutulong para sa maaayos na pagtibok ng puso. Ang B6 vitamins na taglay ng kamote ay tumutulong naman upang mapuksa ang homocysteine, isang uri ng substance na nagiging dahilan ng paninigas ng daanan ng dugo na dapat iwasan.

Enerhiya ng katawan na tumatagal – Hindi tulad ng ibang pagkaing halamang ugat, ang kamote ay nagtataglay ng complex carbohydrates na nagbibigay ng pangmatagalang supply ng energy sa katawan.

Dagdag tibay ng resistensiya – Mayaman din ang kamote sa vitamin C at vitamin A na pangunahing kailangan ng katawan para sa matibay na resistensiya.

Pagbawas sa inflammation o pamamaga sa loob ng katawan – Ang iba’t ibang uri at kulay ng kamote ay may kanya-kanyang taglay na antioxidant property na tumutulong upang mabawasan ang mga inflammatory disorders sa katawan.

Mainam para cancer ay maiwasan – Lumalabas sa pag-aaral na dahil sa beta-carotene na meron ang kamote, nababawasan ang tiyansa na magkaroon ng cancer kapag malimit ang pagkain nito.

Naiwawasto ang blood sugar level – Ang kamote bagama’t matamis ay hindi nakapagpapataas ng level ng sugar sa dugo. May katangian ang kamote na low glycemic index kung saan kontrolado ang pag-release ng sugar sa bloodstream kaya’t hindi nakakatakot kainin ng mga may diabetes. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?