36

Jun 10, 2020 @ 12:25
By

Suspensyon sa student loan payment, hinirit

Naghain si Senador Lito Lapid ng isang panukala na naglalayong magbigay ng moratorium o suspensyon sa student loans sa panahon ng kalamidad at emergency kagaya ng COVID-19 pandemic.

Sa paghain ng Senate Bill No. 1538, nais niyang mabigyan ng sapat na kaluwagan at proteksiyon ang mga estudyante at kanilang pamilya na nasalanta ng kalamidad at iba pang emergency situation.

“Sa panahon ng kalamidad, disaster o emergency gaya na lamang ng nararanasan nating COVID-19 pandemic, milyun-milyong Pilipino ang walang kita,” sabi ni Lapid.

“Karaniwang ang prayoridad ng ating mga kababayan sa ganitong mga panahon ay pambili ng pagkain, gamot at pang-araw-araw na pangangailangan,” saad pa nito.

Sa ilalim ng panukala, sinusulong ni Lapid na magkaroon ng suspensiyon sa pagpapatupad ng bayad sa lahat ng fees, charges at cost na may kaugnayan sa student loan programs para sa Higher Education and Technical-Vocational Education and Training (TVET).

Sakop nito ang mga pautang na pinamahalaan ng Higher Education Institutions (HEIs) o ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Board, ng Commission on Higher Education (CHED) at iba pang ahensiya ng gobyerno.

“Habang ang mga gastusin sa edukasyon gaya ng tuition o iba pang bayarin sa paaralan ay isasantabi na muna ng ilang pamilya dahil wala na silang natitirang salapi para dito,” paliwanag ni Lapid.

“Kaya sa pamamagitan ng paglalagay ng moratorium sa students loans ay makakatulong tayo para maisalba kahit papaano ang edukasyon ng ating mga kabataan,” sambit pa nito.

Sakop ng moratorium ang period ng deklarasyon ng national at local State of Calamity o Emergency ng hanggang 30 araw mula sa termination nito.

“If the covered period exceeds a total of 60 days , the payment of the fees, charges and coasts shall be further deferred until the end of the next academic semester or term,” ayon kay Lapid.

Kung maisabatas ito, ang moratorium ng student loan ay ipapatupad sa panahon ng disaster at iba pang emergency na nasyonal ang scope.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?