26

By

Suspensiyon, rollback ng buwis sa petrolyo, inihirit ng mga opposition senator

Sharing is caring!

Hiningi ngayon ng mga senador na kasapi ng opposition-minority bloc ang rollback sa buwis ng petrolyo.

Sa kanilang panukalang Joint Senate Resolution No. 15, ipinababalik ang buwis ng petrolyo sa antas bago ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law nitong Enero 1, 2018.

Hinihingi rin na suspendihin ang pagpapataw ng karagdagang P2 pisong buwis sa bawat litro ng gasolina, diesel at kerosene na umpisa dapat sa Enero 1, 2019.

Ang karagdagang buwis ay utos ng TRAIN Law.

Ayon kay Senador Bam Aquino, inaasahan nila ang suporta ng lahat ng kapwa senador upang higit pang mahikayat si Pangulong Rodrigo Duterte na pumayag dito.

Kasama ni Aquino na naghain ng resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Antonio Trillanes at Sen. Leila De Lima.

Mula noong ipatupad ang TRAIN Law nitong Enero, sinabi ng nabanggit na mga senador na tumaas na ng P10.50 ang presyo kada litro ng gasoline.

Nasa P12 naman ang itinaas ng presyo ng bawat litro ng diesel at P14.12 ang itinaas ng kereosene.

Pumalo naman sa 6.7 porsyento ang inflation rate noong Setyembre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?