56

Dec 2, 2017 @ 15:48
By

Suspensiyon ng klase sa tigil-pasada, inaaral pa ng Palasyo

Pinag-aaralan pa ng Malacañang kung magdedeklara ng suspensiyon sa pasok ng mga estudyante sa Lunes, Disyembre 4 kasunod ng nakakasang transport strike ng grupong Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na wala pang utos sa kanya si Executive Secretary Salvador Medialdea para magbigay ng anunsiyo dahil pinag-aaralan pa ito ng kanyang tanggapan.

Layon ng tigil-pasada ng PISTON na igiit ang matinding pagtutol sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan dahil magiging pahirap umano ito sa kanilang hanay.

Sinabi ni Andanar na hindi tutol ang Malacañang sa mga gustong magprotesta dahil karapatan ng mga ito na maghayag ng kanilang saloobin sa gobyerno.

Ang pakiusap lang aniya ng gobyerno ay gawing mapayapa ang transport strike at tiyaking walang maaabala o maiistorbo at masaktan sa kanilang gagawing pagkilos.

“Yung mga gustong mag-transport strike, gustong magprotesta karapatan nila ‘yan eh, nasa kanila ‘yan eh. Basta ang sa atin sa gobyerno, all of these forms of protests should be done in a peaceful manner. Na wala po tayong naaabala, wala po tayong naiistorbo, wala po tayong nasasaktan,” ang pahayag ni Andanar.

Sa panig aniya ng gobyerno, sinabi ng kalihim na tuloy ang trabaho, maayos na makapasok, makapamasyal at makapag-shopping ng husto lalo na ngayon dahil malapit na ang Pasko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?