bam-aquino
By

Suspensiyon ng excise tax sa langis, isinusulong sa Senado

Sharing is caring!

Inihain sa Senado ang panukalang batas kung saan layon ang awtomatikong suspensiyon ng pagpapataw ng excise tax sa petrolyo kapag tumindi ang pagtaas ng inflation o presyo ng mga bilihin.

Sa Senate Bill No. 1798 ni Senador Bam Aquino, aamyendahan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o Tax Reform Law.

Aatasan dito ang Development Budget Coordinating Council (DBCC) at ang Department of Finance (DOF) na magtakda ng annual target range o hangganan ng inflation kung saan maaring ipagpatuloy ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo alinsundod sa TRAIN Law.

Kapag lumagpas ang inflation sa hangganan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan, magiging awtomatiko ang pagbabalik ng excise tax sa antas o rate bago maisabatas ang TRAIN Law.

Kapag naman naging matatag at bumaba na ang inflation sa loob ng tatlong buwan, pwede na muling mangulekta ng excise tax batay sa antas na itinatakda ng batas.

Ayon kay Aquino, kailangang maging ‘flexible’ ng gobyerno sa pagkolekta ng excise tax upang mapagaan ang balikatin ng publiko.

“We must protect Filipinos from the rising prices of goods and services,” ayon kay Aquino.

Inihain ni Aquino ang panukalang batas sa gitna ng matindi ngayong pagtaas ng presyo ng bilihin na isinisisi sa TRAIN Law pati na sa pagtaas ng presyo ng langis sa world market at sa artipisyal na pagkukulang ng bigas mula noong Enero.

Umabot sa 4.5 posiyento ang inflation rate noong Abril samantalang sinabi ng economic managers ng Malacanang na 2 porsiyento hanggang 4 porsyento lang ang itataas noong pinagdedebatehan ang TRAIN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?