211

Nov 12, 2017 @ 18:25
By

Suspek sa pagpatay, bugbog sarado sa lady cop

Hindi na nakapalag pa ang isang suspek sa pagpatay sa kanyang kainuman matapos ang mainitang pagtatalo makaraang tumakas at makorner ng isang lady cop saka nakatikim ng malulutong na suntok Linggo ng umaga sa Mandaluyong City.

Nakilala ang suspek na si Ramil Canana y Paredes, 41-anyos, driver at residente ng Block 38 Barangay Addition Hills, Mandaluyong City habang dead on the spot naman ang kainuman nitong si Arnold Gallo, garbage collector at residente din ng Block 38, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City na nagtamo ng tama ng bala ng caliber. 38 revolver sa nood na agaran nitong ikinasawi.

Samantala, agad namang ipinaalam ni Eastern Police District Director Romulo Sapitula kay Director Oscar Albayalde, Regional Director ng NCRPO ang ginawang kabayanihan ng ‘lady hero cop’ na si SPO2 Jean Capili Aguada, 36-anyos, residente ng Barangay Addition Hills, nakatalaga bilang desk officer at chief of clerk ng Police Community Relations Unit ng Mandaluyong Police Station.

Batay sa report, papaalis na sana ng bahay si SPO2 Aguada nang makarinig ng komosyon na kung saan ay nagtatalo ang dalawang lasing sa harap ng lamay kasabay ng pagputok ng baril na ikinasawi ng biktima.

Ayon dito, papatakas na sana ang suspek nang maharang ng mga kapitbahay subalit binantaan pa sila na babarilin kaya agad na sumaklolo si SPO2 Aguada at nagawa pang manlaban ng suspek ngunit mabilis sa pagsuntok ang lady cop kaya hindi na nakapalag pa ang suspek saka mabilis na naagaw ang caliber. 38 revolver nito.

Nakumpiska sa suspek ang caliber. 38 revolver na baril at pitong bala ng baril.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Mandaluyong detention call habang inihahanda ang kasong murder sa prosecutors office. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?