35

By

Suspek sa murder ng pastor niyari ng tandem

Isang buwan matapos masangkot sa kasong murder, binaril naman ng hindi nakilalang riding in tandem gunmen ang pangunahing umanong suspek sa pagkamatay ng isang pastor sa San Juan, Batangas.

Ayon sa San Juan police, agad nasawi ang biktimang si Edwin Razon Triviño matapos =ratratin habang nagmamaneho ng isang Toyota Revo sa national road sa Barangay Calubcub 2, alas-4:30 ng Martes ng hapon.

Nagtamo ito ng isang tama sa dibdib at hindi na umabot ng buhay sa pinagsuguran na San Juan District Hospital.

Tinapatan umano ito ng mga hindi nakilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo at saka pinagbabaril.

Batay sa report, ang nasawing biktima ang tinuturong salarin sa pagkamatay ng 30-anyos na pastor na si Renato Remegio ng Jesus Alone Church Mission International, na binaril sa harap ng kanyang bahay sa nasabi ring barangay noong Oktubre 28, 2019.

Sinasabing usapin sa lupang tinitirahan ng pastor at ng iba pang residente doon ang ugat ng pagpaslang sa pastor.

Si Triviño ay dating katiwala sa pinag-aawayang lupa na pag-aari ng Macalintal Land Properties na ngayon ay sumasailalim sa housing project ng DMCI Homes Corporation.

Umaabot sa nasa 100 kabahayan at pamilya ang sapilitang pinalayas sa kanilang mga dating tirahan dahil sa proyekto.

Patuloy pa ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?