99

Jan 3, 2018 @ 15:04
By

Suspek na namaril dahil ayaw magbigay ng barya, arestado

Natunton na rin matapos magtago ang lalaking suspek sa pamamaril ng Bagong Taon dahil lamang sa ayaw nitong magbigay ng barya sa mga humihingi sa kanya sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan City Police Chief SSupt. Jemar Modequillo, isang concerned citizen ang palihim na nakipag-ugnayan sa himpilan ng Caloocan City Police Community Precinct (PCP) II at nagturo sa tirahan at kinaroroonan ng suspek na si Prencillo Batac, 42-anyos, walang hanapbuhay, sa Bagong Sibol Street, Barangay 31 ng nasabi ring lungsod.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya at nang makarating sa bahay ng suspek ay sinubukan pa umanong itago at patakasin ng kanyang kinakasama si Batac na dumaan sa bintana ng isa sa mga silid sa kanilang bahay ngunit nakita siya ng mga awtoridad na tumatakbo palayo sa kanilang lugar.

Nakipaghabulan pa ito sa mga pulis ngunit nakorner din.

Si Batac ang suspek sa nangyaring pamamaril sa isang Bernardo Ramirez noong hapon ng ika-1 ng Enero, taong kasalukuyan.

Nanghihingi umano noon ng barya sa mga dumadaang tao maging sa mga sasakyan ang mga kasamahan ni Ramirez nang mapadaan si Batac at mahingian din ng isa sa kanila, paglapit pa lang ng nanghihinging iyon ay agad nang tumangging magbigay ang suspek ngunit nang lapitan na siya ng isa pa sa kasama ng biktima ay nagalit na ito at bumunot ng baril.

Doon na siya nilapitan ni Ramirez at mga kasama nito saka pinagsusuntok hanggang sa makuyog na ito, ngunit kahit pa napagtulungan na ay tila palos at nagawa pa ring makatakas ni Batac.

Lingid sa kaalaman ng lahat maging mismo ni Ramirez na may tama na pala siya ng bala sa katawan, na hindi pa sana niya malalaman kung hindi napansin ng isa nilang kasama.

Naisugod sa pagamutan si Ramirez na malayo na sa kapahamakan. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?