153

By

Survey results ng Pulse Asia, mas reliable – Sotto

Sharing is caring!

Ilang netizens ang naguluhan matapos ang magkasalungat na resulta ng surveys na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia hinggil sa approval at trust ratings ng mga opisyal ng gobyerno.

Agad namang kinuwestiyon ni Senate President Vicente Sotto III ang pamamaraan ng SWS at iminungkahing ang pigura na inilabas ng Pulse Asia ang mas reliable o mapagkakatiwalaan.

Noong Hulyo 10, naglabas ng resulta ng survey ang SWS kung saan bumaba ng 11 puntos ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte, na mula sa dating 56% noong Marso ay naging 45% na ito sa ikalawang bahagi ng taon.

Taliwas ito sa inilabas ng Pulse Asia na resulta kahapon, Hulyo 13, na nagsasabing tumaas ang approval at trust ratings ng Pangulo sa 88% at 87%, batay sa pagkakasunod.

Ani Sotto, ang problema umano ay kung paanong kinakalkula ng SWS ang net satisfaction ng mga lider ng bansa sa pamamagitan ng pag-minus ng percentage ng dissatisfied mula sa satisfied.

“Why is it right minus wrong? [That’s] not right. In elections, would you subtract the number of those who voted from those who did not?” sabi pa ni Sotto.

Pero may simpleng paliwanag dito si Senador Panfilo Lacson, aniya, ang Pulse Asia survey umano ay ginawa bago pa magkomento ang Pangulo ng “stupid God”, habang ang SWS survey ay isinagawa matapos naman ang kanyang kontrobersiyal na pahayag.

Ipinunto ng senador ang mga petsa kung kailan isinagawa ang surveys.

Ang SWS ay mula Hunyo 27-30, ilang araw ito matapos ang kontrobersiyal na pahayag ni Pangulong Duterte noong Hunyo 22 habang ang Pulse Asia ay mula Hunyo 15-21, kung saan hindi pa nagbibitiw ng maaanghang na komento ang Pangulo hinggil sa Diyos at bibliya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?