66

Oct 14, 2021 @ 17:33
By

Survey: Mga Pinoy takot bumanat vs Duterte admin

Dumarami ang mga Pilipino na naniniwalang mapanganib maglathala o magsabi ng batikos sa administrasyong Duterte kahit pa totoo ito, ayon sa resulta ng isang survey.

Nagsagawa ng survey ang Social Weather Stations (SWS) mula Setyember 12 hanggang 16 kung saan tinanong nila ang mga respondent kung sang-ayon o hindi na mapanganib magsabi ng pagbatikos sa administrasyon kahit na ito ay totoo.

Ayon sa SWS, may net agreement score na 26% na sumang-ayon na mapanganib nga magbatikos sa administrasyon kahit pa katotohanan ito. Ang net agreement score ay ang neto ng mga sumasang-ayon at hindi sumasang-ayon.

Sabi ng SWS kahapon, dumami ang naniniwalang mapanganib bumatikos sa administrasyon nitong Setyembre kaysa noong Hunyo na ang net agreement score ay 20%.

Mas pinakamaraming naniniwala umano na mapanganib maglathala o mag-broadcast ng batikos sa administrasyong Duterte sa Visayas kung saan 31% ang net agreement score, sumunod sa Luzon maliban ang Metro Manila kung saan ang net agreement score ay 28%.

Sa Mindanao, 23% ang net agreement score sa tanong kung mapanganib maglathala o mag-broadcast ng batikos sa administrasyon,at 17% ang net agreement score sa Metro Manila.

Tinanong din ng SWS ang mga respondent kung sang-ayon sila o hindi na masasabi nila kahit anong gusto nila nang malaya at walang takot kahit pa ito ay laban sa administrasyon.

Ayon sa SWS, mas mababa ang net agreement score sa tanong na ito noong Mayo, Hunyo at Setyembre ngayong taon kumpara sa mga naunang survey.

Sabi ng SWS, iniba nila ang katanungan nitong Mayo, Hunyo at Setyembre 2021 kumpara sa mga dating survey.

Ang tanong noon ay kung nasasabi ng mga respondent kahit anong gusto nila ng malaya at walang takot kahit pa laban ito sa administrasyon. Nitong Mayo, Hunyo, at Setyembre, ang ginamit na katanungan ay kung nasasabi nila kahit anong gusto nila ng malaya at walang takot kahit pa ito ay laban kay Pangulong Rodrigo Duterte. (Eileen Mencias)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,