1,633

Oct 6, 2019 @ 22:07
By

Sure bang galing kay Duterte? Panelo ‘di dapat laging paniwalaan – Lacson

Hindi umano lahat ng sinasabi ni Presidential Spokesperson Salvaor Panelo ay talagang sentimiyento ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson sa kabila ng pahayag ng Malacañang na ipinag-utos diumano ng Pangulo na imbestigahan si Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde sa pagkakasangkot nito sa kontrobersyal na anti-drug operation sa Pampanga noong 2013.

“Unang una, si President Duterte ba mismo ang nag-utos? Hindi eh. Si Sec Panelo ang nagsasalita. Alam din natin na minsan nagsasalita si Sec Panelo na hindi naman talaga yan ang sentimyento ng Presidente,” sabi ni Lacson sa panayam sa DZBB.

“So kung marinig natin mismo sa Pangulo na siya mismo nagsabing pinaimbestigahan ko o kaya wala akong tiwala o may tiwala ako, yan ang dapat natin tanggapin na ‘yan ang totoo,” dagdag pa nito.

Ayon kay Lacson, hindi naman umano lahat ng sinasabi ni Panelo ay galing talaga mismo kay Pangulong Duterte kaya’t mahirap aniyang paniwalaan ang nanggaling sa bibig nito.

“Pero kapag ang kanyang spokesman na alam naman nating hindi lahat na sinasabi ay dapat paniwalaan, mahirap magkomento kasi hindi natin sigurado kung talagang galing kay PRRD,” ani Lacson.

“Track record ito, kung may pangyayari sa nakaraan at lalabas na hindi pala yan ang sentimyento ng Pangulo, alam nating may problema,” sambit pa ng senador.

Samantala, para maalis ang pagdududa na pinoprotektahan niya ang 13 “ninja cops” pinayuhan ni Lacson si Albalyade na muling rebyuhin ang kaso ng mga itoo.

“So ang pinakamagandang gawin ni Gen Albayalde at ito pinangako niya noong pagdinig nang tinanong ko siya. Sabi niya within 1 month or so na natitira sa serbisyo, gagawin niya lahat para mai-correct ang maling decision na pinagbigyan ang demotion sa halip original decision na dismissal from the service,” sabi ni Lacson.

“Ipakita niya na hindi niya pinoprotektahan, hindi niya kino-cover up sa pamamagitan ng isang review, pwede niya ipagutos, review-hin ang mga dokumento, di naman kailangan siguro ipatawag pa ang panibagong testigo,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?