26

Apr 1, 2020 @ 17:43
By

Supply ng pagkain sapat hanggang 75 araw – DA

Makakaasa ang mga Pilipino na mayroong sapat na supply ng pagkain na tatagal ng 75 araw sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na sapat ang supply ng pagkain ang mga Pilipino gaya ng bigas, isda, karne ng baboy at manok, pati na rin supply ng gulay.

Wala aniyang dapat na ipag-alala ang publiko, lalo na ang mga taga-Luzon dahil tuloy-tuloy ang supply mga pagkain.

Sinabi ni Nograles na umangkat ang gobyerno ng 300,000 metrikong tonelada ng bigas para masigurong hindi kapusin sa bigas ang bansa habang umiiral ang enhanced community quarantine.

“According to the Department of Agriculture we should not be concerned as basic food requirements such as rice, fish, pork ,chicken and vegetables are sufficient–with the national rice inventory enough to last for 75 days,” ani Nograles.

Pinawi ng kalihim ang pangamba ng publiko sa posibilidad na makaranas ng gutom habang mayroong umiiral na ECQ dahil tuloy-tuloy aniya ang supply ng pagkain.

“Wag po tayo mag-alala, tuloy-tuloy po ang supply ng pagkain,” dagdag pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?