66

By

Supply at presyo ng bigas matatag – DTI

Garantisado umanong hindi na tataas ang presyo ng bigas hanggang Disyembre at hanggang sa 2019.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na matatag ang supply at ang presyo ng bigas dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na damihan ang pag-aangkat nito.

“Malinaw ang polisiya ng ating pamahalaan lalo na bilin ni Presidente Duterte talaga, punuin niyo ng stock yan,” sabi ng kalihim sa panayam ng Super Radyo DZBB.

Kung dati ay para sa 15 araw ang imbak ng National Food Authority (NFA), magiging para sa 130 na umano ito.

Sa ngayon, pinapayagan ang mga pribadong retailer na direktang umangkat ng bigas, partikular ang may-ari ng mga supermarket sa kondisyon na hindi tataas sa P38 kada kilo ang kanilang benta.

Binibili naman umano ng NFA sa mga lokal na magsasaka ang bigas sa presyong P20.70, mas mataas sa dating presyo na P17 kada kilo.

Matatandaan na dahil naubusan ng imbak na bigas ang NFA, lumobo ang presyo nito at isa ito sa naging dahilan ng pagtaas ng inflation rate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?