51

Nov 19, 2019 @ 18:46
By

Supplier ng shabu sa mga bar, laglag sa QCPD

Umabot sa P544,000 na halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa 26-anyos na lalaki na umano’y supplier ng iligal na droga sa mga entertainer sa mga bar at club sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Kinilala ni acting Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Col. Ronnie Montejo ang suspek na si Roland Fei Sanchez, 26, ng Brgy. Sta. Cruz at isang newly identified drug personality ng Masambong Police Station 2.

Si Sanchez ay naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit ng QCPD dakong alas-7:25 ng gabi (November 18) sa No. 5 General Lim St., Brgy. Sta. Cruz.

Isang pulis ang tumayong buyer at nang makabili ng P8,000 halaga ng shabu ay agad nang dinakip ang suspek.

Nakumpiska mula sa kanya ang 15 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P544,000; buy-bust money; digital weighing scale at isang cellphone.

Inihanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , , ,