338

Dec 23, 2019 @ 15:48
By

Supplier ng ‘nakalalasong’ lambanog sa Quezon, Laguna iisa

Iisa ang pinanggalingan ng lambanog na naging sanhi umano ng pagkalason ng mahigit 300 katao sa Candelaria, Quezon at mga bayan ng Rizal at Nagcarlan sa Laguna nitong weekend.

Nagmula umano ito sa Barangay Tipaz, San Juan, Batangas.

Ayon kay PCPT Lindley Tibuc, hepe ng Rizal police, nitong Lunes ng umaga, Disyembre 23, ay nagtungo at nakipag-ugnayan na sa Rizal police station ang isang Fred De Los Reyes, na siya umanong representative ng Rey Lambanog na pag-aari ni Nicanor Buela Delos Reyes na ang gawaan ng alak ay nasa Barangay Tipaz, San Juan, Batangas.

Ayon kay Tibuc, nakahanda naman aniyang makipagtulungan si Delos Reyes sa mga nabiktima at handa rin itong makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Batay sa nakuhang impormasyon ng PNP, ang Rey Lambanog ang siyang nagsusuplay ang alak sa tindahan nina Emma Ocaya at Orlando Mapa sa Brgy. Pook, Rizal, na siyang binilhan ng alak ng mga biktima mula sa Rizal at Nagcarlan.

Ito rin umano ang ininom na alak ng mga nabiktima sa Brgy. Sta. Catalina Sur, Candelaria, Quezon kung saan sa mismong Rey Lambanog outlet sa kanilang barangay nabili ang inumin.

Agad namang pinag-utos ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang pansamantalang pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alinmang inuming lambanog sa buong Lalawigan ng Laguna habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Maging sa lalawigan ng Quezon at ilang bahagi ng Batangas ay nagbabala na rin ang mga kinauukulan na iwasan muna ang pag-inom noon, at pinatigil na rin pansamantala ang pagbebenta ng lambanog sa mga nabanggit na lugar.

Nagpalabas din kaagad ng kanyang kautusan si CALABARZON Police Regional Director Brig. Gen. Vicente Danao Jr., sa lahat ng mga hepe ng pulisya sa rehiyon na ipaabot sa mga tindahan ang pansamantalang pagbabawal ng bentahan ng lambanog hangga’t hindi nabibigyan ng clearance ng Food and Drug Administration (FDA) ang kani-kanilang mga produkto.

Kumuha na rin ng samples ng Rey Lambanog ang mga awtoridad at isinasailalim na ito ngayon sa pagsusuri ng FDA.

Samantala, nanatiling siyam pa rin ang kritikal at nasa ICU sa magkakahiwalay na ospital sa mga nabiktima na may kabuuang 324 na katao.

Pito sa kritikal ay mula sa Laguna at dalawa sa Candelaria.

Kinilala naman ang walo na binawian na ng buhay mula sa Laguna na sina Ricky Vitangcol, Cenon Piedra, 60; Analyn Lanuza, 34; at Jason Navarroza na lahat ay taga-Barangay Pooc, bayan ng Rizal; at Maricris Dimayuga, 24, ng Barangay Paule.

Nasawi rin sina Marlon Veridiano, Elmer Dorado, na parehong taga-Nagcarlan, at isang Luis Urriquia na namatay habang naka-confine sa Philippine General Hospital (PGH).

Ayon pa sa PNP, 309 na katao pa ang ginagamot pa rin sa ospital, kabilang na ang 18 na nasa mabuti nang kalagayan.

Sa Candelaria, Quezon, namatay naman si Ernesto Caraan Aguilar, 54; habang kritikal pa ang dalawang kaanak nito na sina Fernando Balmes Aguilar, 53 at Christian Duarte Aguilar, 25.

Nakalabas na naman ng ospital ang apat pang nabiktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?