17

By

Supplemental budget para sa Dengvaxia recipients, aaprubahan sa Hulyo

Ginarantiyahan nina Senadora Loren Legarda at Senador JV Ejercito na aaprubahan sa pagbalik nila sa sesyon sa Hulyo ang supplemental budget para sa medical assistance ng mga nabakunahan ng kontrobersyal na Dengvaxia.

Si Legarda ang chairman ng Senate committee on Finance at si Ejercito ang chairman ng Committee on Health.

Ayon sa dalawang senador, walang dahilan para hindi ito maaprubahan dahil may sertipikasyon ng Bureau of Treasury (BTr) na nariyan na ang pondo.

Gagamitin dito ang P1.161 billion na isinauli ng Sanofi Pasteur para sa mga Dengvaxia vials na hindi na ipinaturok ng Department of Health (DOH) dahil sa alegasyon na naging sanhi ito ng pagkakasakit at pagkamatay ng ilang naturukan.

Tinangka ni Legarda na paaprubahan ang supplemental budget bago sila mag-adjourn sine die kahapon ng dakong alas-2 ng madaling araw matapos na maaprubahan ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) pero hindi nangyari dahil nag-alisan na ang mga senador at nawalan na ng korum.

Sinabi ni Ejercito na handa rin siyang idepensa ang supplemental budget bilang isa sa mga nagsulong nito pero hindi ito natuloy dahil iba ang inuna ng mga kapwa senador.

Pagkatapos aniya na aprubahan ang BBL, inuna ng ilang senador ang resolusyon ng pagpaparepaso sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno hanggang sa nawalan na ng korum at kinailangan nang sarhan ang sesyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?